Manhunt operation sa mga nasa likod ng pagpatay sa isang Media Executive sa Gensan, inilunsad ng PNP
Ipinag-utos na ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang manhunt operation sa mga nasa likod ng pagpatay sa isang media executive sa General Santos city.
Nagbigay rin si Eleazar ng direktiba sa PNP para imbestigahan ang insidente na mariin niyang kinondena.
Batay sa ulat, si Yentez Quintoy, 34-anyos, Executive Director at Chief of Staff ng Brigada Group of Companies ay binaril ng malapitan ng mga suspect na nakasakay sa motorsiklo sa NLSA Road, Pook Masunurin, Barangay San Isidro, General Santos City habang nagmamaneho pauwi ng kaniyang tahanan.
Ayon kay Eleazar, iimbestigahan nila kung may kinalaman sa trabaho ang naging pagpatay sa biktima at iba pang mga anggulo sa krimen.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga kaanak ng biktima at mga ka-trabaho upang matukoy kung mayroon itong naging kaalitan o kung nakatatanggap na ba ito ng mga banta sa buhay bago napaslang.
Hinimok din ni Eleazar ang mga testigo sa krimen na dumulog sa pulisya upang mapabilis ang pagresolba sa krimen.
Naglaan na ng isang milyong pisong reward ang Brigada para sa makapagbibigay ng solidong impormasyon para sa ikadarakip ng mga nasa likod ng pananambang.