Manila Bay dolomite beach, dinadagsa
Simula kahapon, Hunyo 12, bukas na ulit sa publiko ang kontrobersyal na Manila Bay dolomite beach.
Bago pa ang pagbubukas nito kahapon ng 4pm, umaga palang dumagsa na ang mga kababayan nating nais makita ang dolomite beach.
Ngayong Lunes ng umaga, muling binalikan ng Net25 news team ang dolomite beach, at naabutan ang ilan nating mga kababayan na maaga palang ay nagpunta na roon para mamasyal.
Ang iba, pami-pamilyang bumisita ang mga bata, tuwang tuwa sa paglalaro sa artificial sand.
Ang iba naman, may bitbit pang mga sariling upuan.
Ang mga basura namang naiwan mula sa dagsa ng taong pumunta sa artificial white sand beach kahapon, nalinis na ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources.
Panawagan naman ng DENR sa mga kababayan nating bibisita sa dolomite beach wag mag-iiwan ng kalat sa lugar.
Bukod sa kanyon na ginamit noong panahon ng World War 2, isa sa bagong atraksyon rito ang marker na inilagay sa isang napakalaking dolomite na makikita pagpasok sa entrance.
Nakadikit dito ang dalawang larawan kung saan makikita ang comparison ng dati at kasalukuyang itsura ng bahaging iyon ng Manila Bay.
Bukas ang Manila Bay dolomite beach mula 6am hanggang 6pm.
Madelyn Villar – Moratillo