Manila Central Post Office hindi tatayuan ng ibang istruktura – Mayor Lacuna
Pinawi ng Manila City government ang pangamba ng ilang kababayan na patatayuan ng panibagong istruktura ang nasunog na Manila Central Post Office.
Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na tiniyak niyang hindi patatayuan ang lugar ng anumang uri ng gusali.
Tiniyak din ng Alkalde na makikipagtulungan sila sa National government para mas mapabilis ang pagsasa-ayos sa Central Post Office na itinuturing na isang historical site.
Higit sa isangdaang taon na ang gusali bagama’t minsan na itong nasira 70 taon na ang nakaraan dahil sa digmaan.
Tiwala si Mayor Lacuna na kung naisa-ayos ito noong una ay muling maisasa-ayos ang gusali sa lalong madaling panahon.
Samantala, kinumpirma naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may mga nadamay na national ID na nakatakda na sanang i-deliver at naka-imbak sa Manila Central Post Office
Gayunman, sinabi ng PSA na pawang taga-Maynila ang mga national ID for delivery na naapektuhan ng sunog.
Nakikipag-ugnayan din ang PSA sa PHLPost para kanilang matukoy ang bilang ng Phil IDs na na-apektuhan ng sunog.
Sinabi ng PSA ang iba pang Phil ID na for delivery ay ligtas at naka-imbak sa kanilang Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Earlo Bringas