Manila City government, hinimok ang mga kabataan na maligo na lamang sa mga Sports complex na may swimming pool imbes na maligo sa Manila Bay
Malaking tulong ang paglalagay ng bakod sa kahabaan ng Manila Bay upang hindi na maakit ang mga kabataang maligo sa nasabing karagatan na mataas ang coliform level.
Dahil dito. hinimok ni Manila City Adminstrator Atty. Jojo Alcovendaz ang publiko na imbes na maligo sa Manila Bay ay magtungo na lamang sa mga Sports complex at doon maaaring maligo ng libre sa mga swimming pools.
Halimbawa aniya dito ay ang Dapitan sports complex, Tondo at ang bagong gawang Paraiso ng Kabataan.
Bukod aniya sa libre ang paliligo, mayroon pang lifeguard na nakabantay sa mga nasabing sports complex.
Sinabi pa ng City Adminsitrator na tuwing summer ay nagkakaroon rin ng swimming lessons sa mga nasabing sports complex at ipinagkakaloob ito ng libre.
Samantala, nagtalaga na ang Manila city government ng mga pulis na magpapatrolya sa Manila Bay upang matiyak na wala nang maliligo sa karagatan.
Ang mga batang mahuhuling naliligo sa karagatan ay dinadala sa Social Welfare office ng Maynila upang payuhan.
“Sadyang marumi pa rin ang tubig dyan bagamat walang solid waste na makikita. Kung gusto nilang maligo magpunta na lang sila sa mga Sports complex dun libre ang paliligo dun at meron pang lifeguard na magbabantay sa kanila”.
==============