Manila Dolomite Beach, muling bubuksan sa June 12
Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, bubuksan na ulit sa publiko ang kontrobersyal na Manila Bay Dolomite Beach.
Matatandaang unang itinakda noong Mayo ang muling pagbubukas ng dolomite beach pero dahil hindi pa tapos ang ilang infrastructures hindi ito natuloy.
Ayon kay Environment and Natural Resources Acting Secretary Jim Sampulna, isa ito sa magandang legacy ng Duterte administration kaya nais nilang mabuksan ito bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon naman kay DENR Undersecretary for Policy, Planning, and International Affairs Jonas Leones, kasabay ng pagbubukas ng dolomite beach malapit sa US Embassy ay pagpapasinayaan ang World War II Heritage Cannon sa bahagi naman ng Remedios.
Ito ay simbolo na hindi pa tapos ang laban sa paglilinis sa Manila Bay.
Ang Heritage Cannon na ay isa sa orihinal na World War II cannons mula sa Fort Drum Island na ilalagay sa bukana ng Manila Bay.
Ipinagmalaki naman ni Leones na ang 500 metrong beach nourishment project na sinimulan noong 2020 ay nalagpasan ang mga bagyo at pagbaha at nananatili parin itong intact.
Kahit magbago na ang administrasyon, mananatili parin naman aniya ang Manila Bay Dolomite Beach bilang bahagi ng Manila Bay rehabilitation program salig na rin sa writ of continuing mandamus na inilabas ng Supreme Court noong 2008.
Nilinaw naman ni Manila Bay Coordinating Office Executive Director Jacob Meimban na bagamat gumaganda na ang kalidad ng tubig, bawal paring mag- swimming roon.
Sa oras na muling buksan, 1,500 hanggang 3,500 katao lang muna ang papayagan ng DENR sa loob ng dolomite beach para masigurong masusunod health protocols.
Bagamat hindi na kailangan ng online pre-registration hinikayat naman ng DENR ang mga pupunta sa dolomite beach na dapat ay fully vaccinated na kontra Covid-19.
Madelyn Villar – Moratillo