Manila LGU doble kayod na para matapos ang pamamahagi ng ayuda bago ang deadline
Puspusan ngayon ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Maynila ng Financial assistance o ayuda para matapos ang distribusyon bago ang deadline sa Mayo 15.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare Dir. Ma. Asuncion Fugoso, sa loob ng 22 araw ay nasa 335,272 na pamilya o 88% na ng kabuuang benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P4,000 na ayuda mula sa national government.
Aminado si Fugoso na mayroon silang ilang “unclaimed” o hindi nakukuhang ayuda.
Ilan sa dahilan ay maaaring namatay ang benepisyaryo, o kaya’y wala na sa Maynila o nasa ibang lugar na ito.
Ang ginagawa aniya nila ngayon, inililipat ang ayuda sa mga person with disabilities o PWDs at mga solo parent na nangangailangan na kasama rin naman sa mga benepisyaryo.
Paalala naman ng opisyal sa mga kukuha ng ayuda tiyaking masusunod ang health protocols kontra COVID-19.
Madz Moratillo