Manila LGU handa na para sa pagbabakuna sa mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos
Tiniyak ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang kahandaan sa oras na simulan na ang pagbabakuna para sa mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, sa oras na ibigay na ng Inter-Agency Task Force at Department of Health ang go signal para sa COVID-19 vaccination sa mga kabataan, handa na sila para dito.
Katunayan, nagtabi na aniya sila ng mga doses ng mga bakunang gagamitin.
Ang Covid-19 vaccines ng Pfizer BioNTech at Moderna pa lang ang nabigyan ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration para magamit sa mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos.
Pinulong na rin ng alkalde ang iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan para sa Covid- 19 vaccination sa nasabing age group.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 40,000 kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 anyos ang nagpa-pre-register na sa Maynila para sa Covid-19 vaccination.
Una rito, sinabi ng Department of Health na target nilang masimulan ang pagbabakuna sa mga kabataan sa Oktubre 15.
Pero paalala ng DOH, mga may commorbidities lang muna ang uunahin nilang bakunahan.
Sa pagpunta naman sa vaccination sites, kailangan kasama ang magulang o guardian at magdala ng medical certificate.
Tiniyak naman ng DOH na voluntary ang pagbabakuna para sa mga kabataan.
Madz Moratillo