Manila LGU, magdaragdag ng traffic enforcers kasunod ng TRO sa NCAP
Nagdeploy ng mas maraming traffic enforcers sa Maynila matapos na suspendihin ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng ‘No Contact Apprehension Program’ (NCAP).
Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na bagamat sumunod sila sa TRO ng Korte Suprema laban sa NCAP ay naninindigan ang lokal na pamahalaan na epektibo at matagumpay ang polisiya.
Ayon sa alkalde, batay sa kanilang mga datos ay mabisa ang NCAP para mapababa ang bilang ng traffic violations.
Gayundin sa pagpapanatili ng disiplina at kaayusan sa trapiko sa lungsod na pinakikinabangan ng mga residente at motorista sa Maynila.
Binanggit pa ni Lacuna ang datos mula sa MMDA na bumaba sa 47% ang non-fatal injuries due to traffic accidents noong 2021 nang ipatupad ang NCAP.
Habang sa tala ng Manila Police District aniya ay bumaba sa 62% ang bilang ng mga napapaulat na road accidents matapos ang implementasyon ng programa.
Siyamnapung porsyento naman ang ibinaba ng recorded traffic violations sa Maynila batay sa daily average recorded per traffic camera sa lungsod.
Tiniyak ng mayor na patuloy ang mahigpit na implementasyon ng traffic rules and regulations sa Maynila kahit inihinto ang NCAP.
Madelyn Villar – Moratillo