Manila LGU naglaan na ng mas mahabang oras ng Vaccination para iwas siksikan
Naglaan na ng mas mahabang oras ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa kanilang COVID-19 vaccination program ngayong araw.
Batay sa abiso ng Manila LGU, alas-6:00 ng umaga pa lang ay sinimulan na nila ang pagbabakuna at magtatapos naman ng 8:00 ng gabi.
Apat na site parin ang itinalaga para sa pagbabakuna sa mga nasa A2 o senior citizens at A4 o economic workers.
Ito ay sa Lucky Chinatown Mall, Robinson’s Place Manila, SM Manila at SM San Lazaro kung saan bawat isang site may nakalaan na 2,500 doses ng bakuna.
Apila naman ng Manila LGU sa mga nais magpabakuna na magtungo sa vaccination sites sa iba pang mga oras para maiwasan ang siksikan.
Mula ng nagsimula ang vaccination sa A4, madaling araw pa lang ay dagsa na ang mga magpapabakuna kaya naman madalas ay maaga rin ang cut-off.
Samantala, may 2nd dose vaccination rin ngayong araw sa Maynila para sa mga nasa A1 hanggang A3 na naturukan ng SINOVAC vaccine noong May 18.
May 18 school sites naman ang itinalaga para sa pagbabakuna sa kanila.
Patuloy naman ang paalala sa mga magpapabakuna na sumunod sa health protocol para makaiwas sa Covid 19.
Madz Moratillo