Manila LGU nagpatupad ng “No Walk-in” policy sa vaccination sites
Para maiwasan na ang dagsa ng mga taong nagpupunta sa vaccination sites, ipinatutupad na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang No Walk-in policy.
Sa isang abiso, sinabi ng Manila LGU na hindi papapasukin sa vaccination sites ang mga walang text message mula sa Manila CoVaX na nagsasabing ngayong araw ang kanilang bakuna.
Maaari umanong magparehistro sa pamamagitan ng website na www.manilacovid19vaccine.ph.
Paalala naman ng lokal na pamahalaan, kailangan na aktuwal na text message mula sa Manila CoVaX ang ipapakita pagdating sa vaccination site, at hindi puwede ang screenshot lang.
Kaya siguruhin na hindi mabubura ang text patungkol sa schedule ng bakuna.
Ngayong araw, tuloy ang pagbabakuna sa mga nasa A2 o Senior Citizens at A4 o Economic workers sa apat na mall sites sa lungsod.
Habang may 18 school sites vaccination ang itinalaga para naman sa A1, A2, A3 at A5.
Madz Moratillo