Manila LGU, nagsasagawa na ng Mass Simulation exercise para sa Covid-19 vaccine
Nagsagawa ng Mass Simulation exercise para sa Covid-19 vaccine ang lokal na pamahalaan ng Maynila ngayong araw.
Isanlibo ang kanilang target para sa Mass simulation na gagawin sa Isabelo Delos Reyes Elementary School sa Tondo.
Layon ng aktibidad na ito na makita ang kahandaan ng lokal na pamahalaan sa Mass Vaccination activity sa mas malaking setting.
Matatandaang sa nakaraan ay nagsagawa na rin ng Simulation exercise ang Manila LGU pero sa mas maliit na espasyo lamang.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, habang hinihintay pa ang mga bakuna ay nais nilang makapaghandang mabuti kung paanong mailalatag ng maayos ang pagbabakuna.
Sa datos ng Manila Health Department, umabot na sa 26,227 ang kabuuang bilang ng Covid-19 na kanilang naitala sa lunsod.
Pero sa bilang na ito, 379 lamang ang aktibong kaso.
Nasa 25,067 na ang nakarekober habang 781 naman ang nasawi.
Madz Moratillo