Manila LGU: Pagbabakuna sa mga may Comorbidity, nagpapatuloy

Tuloy pa rin ang ginagawang Vaccination activity sa Lungsod ng Maynila kontra Covid-19.

Mga nasa A3 o indibidwal na may Comorbidity ang target nilang mabigyan ng bakuna.

Pero, maaari pa rin namang magtungo ang mga Medical frontliner na hindi pa nababakunahan.

Tigil naman muna ang pagbabakuna nila sa mga Senior Citizen dahil ubos na ang kanilang suplay ng Astrazeneca vaccines.

Ang Sinovac vaccine kasi ay pwede lang sa mga nasa edad 18 hanggang 59 anyos.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, hinihintay pa muna nila ang abiso ng Department of Health kung papayagan na ang pagbakuna ng Sinovac sa mga matatanda.

Para naman mapabilis ang pagbabakuna, nasa 18 vaccination sites na ginagawa ang aktibidad ngayong araw kumpara sa nakaraan na sa 12 sites lamang.

Paalala naman sa mga may comorbidity na nais magpabakuna, magdala lamang ng mga sumusunod:

-Medical Certificate

–Prescription ng maintenance na gamot

-Hospital records o Surgical at Pathology Records

Para naman mas mapabilis ang proseso ng pagpapabakuna, hinihikayat ang mga residente na magparehistro muna sa manilacovid19vaccine.com.

Mahigpit din ang paalala sa mga magpapabakuna na huwag kalimutan ang pagsusuot ng face mask at face shield at ang pagsunod sa physical distancing.

Sa pinakahuling datos ng Manila LGU, nasa 43,885 indibidwal na sa Lungsod ang nabakunahan kontra Covid 19.

Madz Moratillo

Please follow and like us: