Manila Mayor Isko Moreno at iba pang opisyal ng Manila LGU kinasuhan sa Ombudsman
Dumulog na sa Office of the Ombudsman ang mga vendor ng Divisoria Public Market para ireklamo ang iligal umanong pagbebenta ng palengke.
Kabilang sa mga sinampahan ng paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti Graft and Corrupt Practices Act sina Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna at ilang konsehal at opisyal ng City Hall.
Sa kanilang reklamo, iginigiit ng mga vendor na nalabag ang kanilang karapatan sa due process dahil hindi man lang sila nakonsulta bago naganap ang bentahan.
Iginiit rin ng mga vendor ang pinsalang idinulot sa kanila dahil sa pagbebenta ng Public Market.
Makailang beses umano nilang tinangkang makausap para sa isang dayalogo sina Moreno at Lacuna pero walang naging tugon ang mga ito.
Una ng sinabi ni Lacuna na ang pagbebenta sa Divisoria Public Market ay dahil sa lugi narin naman umano ang lokal na pamahalaan rito.
Ang napagbentahan, ginamit umano sa food security program ng lokal na pamahalaan ng Maynila ngayong panahon ng pandemya.
Pero giit ng mga vendor, mas disadvantageous daw para sa lokal na pamahalaan ang ginawang bentahan dahil kung tutuusin ay mas mababa ang halaga ng pagkakabenta rito.
Daing pa ng mga vendor, ngayong pribado na ang may-ari, mula sa dating 50 pesos, ngayon ay 130 pesos na ang kanilang binabayarang renta.
Nanganganib pa silang mawalan ng pwesto dahil anumang oras ay pwede silang mapaalis sa kanilang mga pwesto na minana pa nila sa kanilang mga magulang.
Madelyn Villar – Moratillo