Manila RTC nagpalabas na ng warrant of arrest laban kina dating PNP- AIDG OIC Eduardo Acierto at 7 iba pa na akusado sa pagkakapuslit sa bansa ng mga magnetic lifters na may lamang shabu
Nagpalabas na ng warrant of arrest ang hukuman sa Maynila laban sa walong akusado sa pagkakapuslit sa bansa ng mga magnetic lifters na may nakatagong shabu.
Ang mga hiwalay na arrest warrants ay inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 35 Judge Maria Bernardita Santos.
Ang mga ipinagutos na arestuhin ay sina:
-dating PNP -Anti Illegal Drugs Group OIC Eduardo Acierto;
-dating PDEA Deputy Director Ismael Fajardo Jr.;
-dating Customs Intelligence agent Jimmy Guban; at
– ang limang nasa likod ng VECABA Trading na consignee ng dalawang magnetic lifters na inabandona sa Port of Manila at naglalaman ng shabu.
Ang mga ito ay sina:
-Chan Yee Wah Albert alias KC Chan/Fhonie Chan/Albert Chan/Chen Fong Hsiang;
-Zhou Quan alias Zhang Quan/Zhauq Quan;
-Vedasto Baraquel, Jr.;
-Maria Lagrimas Catipan; at
-Emily Liquingan
Ang mga naturang akusado ay una nang kinasuhan ng DOJ panel of prosecutors sa korte ng illegal importation of illegal drugs.
Ang kaso ay nag-ugat sa pagkakadiskubre sa dalawang magnetic lifters sa Port of Manila galing sa Malaysia na naglalaman ng 300 kilo shabu na nagkakahalaga ng mahigit dalawang bilyong piso noong Agosto 2018.
Isang araw pagkatapos nito ay nadiskubre ang apat na katulad na magnetic lifters na iniwan sa warehouse sa GMA, Cavite na pinaniniwalaang pinagtaguan din ng iligal na droga.
Ulat ni Moira Encina