Manila Water, hindi pa magpuputol ng tubig sa mga may unpaid bills hanggang katapusan ng Mayo
Nananatiling suspendido ang Disconnection activities ng Manila Water hanggang katapusan ng buwang ito.
Ito’y matapos muling isailalim sa General Community Quarantine ang Metro Manila plus.
Sa panayam ng Radyo Agila kay Ginoong Jeric Sevilla, Corporate Communications Head ng Manila Water, magsisimula silang magpadala ng Notice of Disconnection sa Hunyo at ang actual disconnection ay isasagawa naman simula June 15.
Ibig sabihin, hanggang sa June 15 ay binibigyan nila ng pagkakataon ang mga residenteng makabayad ng kanilang unpaid bills.
Pero nilinaw ni Sevilla na magiging makatwiran pa rin sila sa pagpuputol ng tubig.
Para sa kanilang mga customer na hindi kayang bayaran ang unpaid bills ay maaari aniya silang tumawag sa Manila Water hotline na 1627 o magtungo sa kanilang mga Business center upang magkaroon ng promissory arrangement.
Nagbibigay aniya sila ng pagkakataong mabayaran ng installment ang mga unpaid bills depende sa napagkasunduan.
Kung nakatanggap din aniya ng Notice of Disconnection, binibigyan pa rin ng pitong araw ang kanilang customer para masettle ang account basta’t makipag-ugnayan lamang sa Manila water.
Paliwanag pa ni Sevilla sa mga customer na hindi nakalalabas ng bahay na maaaring magbayad online sa pamamagitan ng G-Cash o Pay Maya o sa kanilang application na “my manila water” at sa mga Bayad Centers naman para sa mga pwedeng lumabas ng bahay.
Samantala, tiniyak naman ni Sevilla na sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila ngayong tag-init at walang mangyayaring shortage dahil mataas ang lebel ng tubig sa mga dam.
Maliban na lamang aniya sa mga emergency repair o maintenance na kalimitan namang isinasagawa nila tuwing madaling-araw.