Manonood ba Kayo ng Sine?
Pebrero a kinse, epektibo ang desisyon ng Inter-Agency Task Force Against Covid-19 na taasan ng 50 percent ang capacity sa mga religious gathering, bubuksan na rin ang mga sinehan (bagaman ipinagpaliban muna), pwede na ring magsagawa ng seminars, magbukas ang driving schools, theme parks, maging ang mga tourist destination.
Pero, alam n’yo ba na ang desisyong ito umano ng IATF na inirekumenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na pinagtibay noong nakaraang linggo ay tila baga hindi naikonsulta sa Metro Manila mayors. Umaangal ang mga alkalde at tumututol at sinasabing huwag na munang buksan ang mga sinehan ng 50% ang capacity.
Bakit? Dahil delikado. Matanong ko nga kayo mga ka isyu, kapag binuksan ba ang mga sinehan, manonood ba kayo? Ano ba ang ibig sabihin ng 50% capacity sa mga sinehan? Hindi ba parang punuan din ito? One seat apart lamang sa katabi. Nasa loob ng aircon na sinehan, umiikot lamang ang hangin. Paano na kung may isang nanonood na may Covid-19? Hindi bale sana kung ira-rapid? O isa-swab test? magastos hindi ba?
Sinasabing ang layunin ng pagbubukas ng sinehan ay para mabuhay ang ekonomiya, pero, sabi ng mga Metro Manila mayors, teka muna, hindi kami nakonsulta at nagdesisyon na. Kaya nga umaapela sila na pag-aralang munang mabuti. Kaya lang, idinedepensa ng Palasyo ang 50% capacity para sa pagbubukas ng mga sinehan.
Naku po! Ipinagtatanggol ng Malakanyang ang desisyon ng IATF ang pagbubukas ng mga sinehan at iba pang negosyo sa bansa sa ilalim ng General Community Quarantine kasama ang Metro Manila. Sabi nga ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nauunawaan n’ya ang nasabing desisyon dahil talagang pinag-isipan na rin umano ng Pangulo kung paano makakabangon ang ekonomiya. Ano daw ang dahilan? Ekonomiya, kabuhayan.
Tanungin ko ulit kayo, anong mahalaga, buhay ikabubuhay? Parehong mahalaga, pero, ano sa dalawa ang pinakamahalaga? Hindi ba’t nakalalamang ang buhay? Paliwanang ni Roque, lumalabas kasi na sa buong mundo, isa ang Pilipinas sa pinakamatagal na makabangon dahil sa napakatagal na ang lockdown na ipinatutupad. Pebrero ngayon, susunod na buwan ay Marso na, naglockdown tayo ng March 16, 2020.
Ang sabi ni Roque na posible ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa kahit may pandemya dahil alam na raw ng mga Pinoy kung paano mag-ingat at protektahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng tinatawag na mask, hugas, iwas! Ang siste mga ka isyu, sinusunod ba ng lahat ito? Naka face mask nga, nasa baba naman, naka-face shield, ginagawa namang headband. Ang social distancing, mahigpit bang naipatutupad?
Kaya nga kung bubuksan ang mga sinehan sa 50% capacity pati ang mga arcade, theme park, hindi kaya matulad tayo sa ibang bansa tulad ng Amerika o ng Europa na talagang sumipa ng husto ang kaso ng Covid-19?
Kaya ang tanong ko sa inyo, manood ba kayo ng sine?