Manual recount sa mga boto mula sa tatlong probinsiyang inirereklamo ni BBM posibleng sa Pebrero 2018 pa matapos
Posibleng sa Pebrero ng susunod na taon pa matapos ang manual recount sa mga boto mula sa tatlong probinsya na nais unang mabilang ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos kaugnay sa kanyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay batay sa pagtaya ng abogado ni Marcos na si George Garcia.
Ayon kay Garcia, ang mga ballot box mula sa tatlong lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental ay naglalaman ng tinatayang dalawang milyong boto mula sa isang libong clustered precinct.
Inatasan ng PET ang kampo nila at Robredo na magsumite ng komento sa draft preliminary conference order sa loob ng limang araw.
Inaasahan na makapagpapalabas na ng kautusan ang PET bago matapos ang taong ito habang sa katapusan ng Oktubre ay magsisimula na ang ballot revision.
Kabilang sa mga pinag-usapan sa preliminary conference ay ang pagkolekta sa mga ballot box mula sa tatlong probinsya, lugar na paglalagyan ng mga ballot box at ang pagsisimula ng ballot revision.
Ulat ni: Moira Encina