Marami pang OFWs sa Hong Kong, nagpositibo sa COVID-19
Marami pang overseas Filipino workers (OFWs), ang nagpopositibo sa COVID-19 sa Hong Kong, ngayong nahaharap ang rehiyon sa ikalimang bugso ng pandemya.
Sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), hanggang Feb. 21 ay umabot na sa 60 mula sa 41 ang mga nagpositibong OFWs.
Sa 60, 49 ang asymptomatic at kasalukuyang nanunuluyan sa community isolation, habang siyam ang symptomatic na na-admit naman sa mga ospital. Dalawa ang gumaling na.
Ayon sa DOLE, ang OFWs na mayroon pang existing contract ay maaaring bumalik sa kanilang trabaho kapag gumaling na, dahil ang COVID infection ay hindi balidong rason para sila ay sibakin.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang Phil. Overseas Labor Office (POLO) sa Hong Kong Center for Health Protection at sa non-government organizations, para agad na tanggapin ang mga nangangailangan ng pagpapa-ospital.
Sinabi ni labor secretary Silvestre Bello III, na nagkakaloob ng tulong ang POLO kabilang na ang $200 financial assistance sa COVID-positive OFWs.