Maraming empleyado sa Kalinga Provincial Hospital hinihinalang nahawa ng COVID-19
Nagpalabas ng pahayag o babala ang Kalinga Provincial Hospital o KPH, sa pamamagitan ng hospital chief na si Marilyn Tubban Duyan para sa lahat ng mga mamamayan sa Kalinga at maging sa karatig probinsya.
Ayon sa inilabas na pahayag, mula Abril 26, 2021 ay pansamantalang ang pagsisilbihan muna ng alinmang departamento ng ospital ay ang nasa kalagayang malubhang kaso ng sakit at nangangailangan ng agarang lunas.
Ito ay dahil sa ang maraming mga empleyado sa iba’t-ibang departamento ng ospital ay hinihinalang nahawa na rin sa COVID 19, ang iba ay hinihintay ang resulta ng swabtest at ang iba pa ay nakatalaga para sa swab testing.
Dahil dito, maging ang serbisyo ng Out Patient Dept o OPD ay pansamantala na ring suspendido. Bukod sa may mga nahawang empleyado, ang isolation facility ng ospital ay puno na rin.
Dahil dito ay nananawagan ang mga nanunungkulan sa ospital ng probinsya, na mahigpit na ipatupad at sundin ang health protocol gaya ng physical distancing, disinfection, pagsusuot ng facemask at faceshield, at higit sa lahat ay mag-ingat na mabuti at kung maaari ay manatili muna sa bahay para mapigilan ang lalong pagkalat ng virus.
Ulat ni Xian Renzo Alejandro