Maraming Pinoy walang sapat na panggastos sa pagpapagamot at iba pang medikal na pangangailangan, ayon sa isang pag-aaral
Maraming Pinoy ang optimistiko sa lagay ng kanilang kalusugan kahit na hindi sapat ang panggastos sa pagpapagamot at hindi regular na nakapagpapa-check up sa doktor.
Ito ang lumabas sa pag-aaral ng health maintenance organization na PhilCare ngayong taon.
Batay sa PhilCare Wellness Index, marami sa mga respondents ang nagsabing “somewhat good” ang kanilang kalusugan na katumbas ng score na 2.84.
Pero sa kabila ng pagiging positibo sa kanilang kalusugan, aminado ang mga respondents na wala silang kakayanang sagutin ang pangangailangang medikal.
Lumalabas din sa survey na 40 percent ay hindi tiyak kung mababayaran ang kanilang medical bills habang ang 35 percent ay hindi rin sigurado kung kaya nilang makapagpa-check up ng regular.
Nabatid din na nasa 60 porysento lamang sa mga respondents na na-ospital ang nakagamit ng kanilang benepisyo mula sa PhilHealth.
Kabuuang 1350 ang respondents ng isinagawang wellness survey mula sa Luzon, Visayas, Mindanao at NCR.
Umaasa si dating Health Secretary at 2019 PhilCare Wellness Index Chair Enrique Ona na maibahagi sa pamahalaan ang resulta ng pag-aaral dahil makakatulong ito para makamit ang tunay na universal health care.
Ulat ni Moira Encina