Maraming tauhan ng BuCor hindi umano angkop ang kakayanan at kaalaman na magbantay sa Bilibid, ayon kay Justice Sec Remulla; Granada at ilan pang kontrabando, nasabat sa piitan

Plano ng Department of Justice (DOJ) na kausapin ang Civil Service Commission (CSC) ukol sa kuwalipikasyon ng ibang mga tauhan sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ito ang inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla kasunod ng mga panibagong isyu sa New Bilibid Prisons.

“Ang mga kinasayan ng mga guwardya sa loob ay di naman talaga sila noong araw ay bureau of prisons yan prison guard sila nung bureau of corrections wala naman silang corrections education kaya ang nangyayari yung lumang tugtugin di pa rin mawala wala” pahayag ni Justice Remulla.

Ayon kay Remulla, marami sa BuCor guards ay hindi akma ang kasanayan na magbantay ng mga inmate.

Bukod sa pagkausap sa CSC ukol sa kakayanan ng mga BuCor personnel, ang iba aniya ay ililipat sa ibang penal colonies.

“Marami ang di angkop ang kaaalaman, kinasanayan, kinaugalin at kakayanan sa pagbabantay ng isang napakasensitibong puwesto kung saan nais natin patinuin ang lahat ngunit lalong napapasama” dugtong pa ng kalihim.

Sinabi pa ni Remulla na mahirap na maipatupad ang mga reporma sa Bilibid bunsod na rin ng mga dating gawi na nakasanayan ng mga empleyado at opisyal ng BuCor para kumita ng salapi.

“Marami talaga rito ang sanay na kumita na halang na halang ang bituka kumita sa bawat paraan na meron kaya ang pagkita ng pera sa loob ng bilibid ay isang industriya na ng mga tao na marami sa kanila ay empleyado mismo ng bilibid” giit pa ni Remulla

Isa sa mga bagong isyu sa Bilibid ay paglusot muli aniya ng maraming kontrabando gaya ng mga patalim at maging ng granada na dati nang nawala nang maitalaga si BuCor Chief Gregorio Catapang Jr.

“Nung nagpa-oplan galugad sa loob ay napakaraming na namang tanim na nahuli at granada may granada na nahuli sa loob” pahayag pa din kalihim.

Kabilang sa mga isinuko ng PDLs na mga kontrabando kamakailan ay grinders, improvised shotgun (sumpak), ice picks at ilan pang bladed weapons.

May mga nakuha rin na appliances at construction materials.

“1 hand grenade,
3 pcs. of improvised shotgun (sumpak),
3 pcs. of shotgun cartridges
2 grinders with 6 pcs discs
2 pcs metal pipes,
12 pcs. improvised long bladed weapon,
49 pcs short bladed weapon
18 pcs. ice picks”)

Naniniwala si Remulla na posibleng may mga kasabwat na naman ang ilan sa mga preso na mga BuCor personnel kaya muling nakalulusot ang mga kontrabando.

Ayon pa kay Remulla, iimbestigahan nila ang mga tauhan ng kawanihan na sangkot sa aniya’y mga milagro sa loob ng Bilibid

“Maraming milagrong nangyayari ayaw natin itong mapabayaan lamang kaya kinakailangang maimbestigahan nang husto upang makita kung sino talaga kasama sa mga gumagawa ng kalokohan sa bucor” paliwanag ni Remulla.

Tinanong na rin ni Remulla si Catapang kung may mga delivery service na pinapayagan na makapasok sa loob kaya nakakalusot ang mga kontrabando.

“Meron bang delivery service na pumapasok meron bang pinapasok kamag-anak ano ba ‘tong bagay na nangyayari kaya ito ay nililinaw namin upang sabihin yung bawal bawal talaga di maaaring magkaron ng puwang ang bagay na ito” diin pa ng kalihim

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *