Marawi rehabilitation program, pinasusuri sa Kamara ng mga Kongresista mula sa Mindanao
Isinulong nina Deputy Speaker Mujiv Hataman at Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan ang agarang pag-review sa Marawi Rehabilitation program.
Ito ay matapos ihain sa kamara ang House Resolution No. 470 noong Oct. 30 na humihiling sa House Committee on Disaster Management na siyasatin at suriin ang Bangon Marawi Comprehensive Rehabilitation and Recovery Program o CRRP.
Nais ng dalawang kongresista na malaman ang updates sa nasabing programa na ipinatutupad ng Task Force Bangon Marawi.
Gusto rin nilang malaman kung paano ito mapapabilis at kung ano pa ang maitutulong ng Kongreso para magbigay ng ayuda.
Giit nina Hataman at Sangcopan na dalawang taon na ng mangyari ang Marawi siege subait hanggang ngayon ay marami pang pamilya ang hindi makabalik sa kanilang mga tahanan.
Habang tumatagal anila ang hindi magandang sitwasyon ng mga kababayan natin sa Marawi ay lalo umanong nagiging vulnerable ang mga ito sa propaganda ng mga terorista at extremista na siyang nais nilang maiwasan.
Binigyang-diin ni Hataman na kung nasubaybayan ng publiko ang pagkawasak at pagkasira ng Marawi noong 2017, sana matunghayan din nila ang pagbangon nito sa pamamagitan ng regular na pagbibigay ng update ng Task Force.
Ulat ni Eden Santos