Marcos at 18 pulis ng CIDG-8 na sangkot sa pagpatay kay Mayor Espinosa nagpasok ng “not guilty plea”
Nagpasok ng not guilty plea ang kampo ni Col. Marvin Marcos at 18 pang pulis ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-8.
Kaugnay ito sa kasong homicide na kanilang kinakaharap matapos ang isinagawang arraignment kaninang umaga sa Baybay Court sa probinsya ng Leyte.
Ayon kay Baybay Regional Trial Court Judge Carlos Arguelles, batay sa petisyon ng mga pulis, hindi nila planado ang pagpatay kay Mayor Rolando Espinosa at tinutupad lang ang kanilang responsibilidad.
Samantala, kinatigan din ng huwes ang plea ni Pol. C/Insp. Leo Larraga, pulis na pumatay kay Mayor Espinosa, kaugnay sa kanyang justifying circumstance na self-defense lamang kaya nagawa napatay ang naturang opisyal.
Kumbinsido naman si Argulles na homicide ang pagpatay batay na rin sa mga ebidensya, resolusyon at personal na pagsusuri nito sa naturang krimen.