Marcos Admin, hiniling sa Pre Trial Chamber ng ICC na ibasura ang hirit na ituloy ang imbestigasyon sa war on drugs
Isinumite na ng Office of the Solicitor General (OSG) ang komento o obserbasyon nito sa hiling ng ICC prosecutor na ituloy ang imbestigasyon sa mga sinasabing crimes against humanity kaugnay sa giyera kontra droga sa Pilipinas.
Ang OSG ang kinatawan ng Pilipinas sa ICC Pre Trial Chamber (PTC) proceedings.
Sinabi ng OSG na hiniling ng gobyerno ng Pilipinas sa PTC na huwag payagan ang hirit ni ICC Prosecutor Kamir Khan na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa war on drugs.
Iginiit ng OSG na walang hurisdiksyon ang ICC sa sitwasyon sa Pilipinas at ang sinasabing murder incidents ay hindi crimes against humanity at hindi pag-atake sa mamamayan nito.
Ipinunto pa ng pamahalaan sa ICC submission na iniimbestigahan at inuusig na ng mga kinauukulang ahensya ang mga reklamo sa ICC.
Ipinaliwanag din ng gobyerno sa ICC ang lawak ng problema sa iligal na droga at ang proseso ng pag-iimbestiga at pag-usig sa drug cases sa ilalim ng legal at judicial system ng Pilipinas.
Moira Encina