Marcos Admin, nagdeklara ng giyera vs. child exploitation
Iniulat ng Inter- Agency Against Online Sexual Exploitation of Children na numero uno ang Pilipinas sa buong mundo pagdating sa child pornography at online sexual exploitation of children (OSEC).
Ayon sa inter-agency, nitong 2022 ay umakyat sa 288% ang mga nasabing kaso sa bansa.
Dahil dito, nagdeklara ng giyera sa nasabing krimen si Justice Secretary Crispin Remulla kasama ang mga gabinete at opisyal na miyembro ng joint task force.
Nagbabala si Remulla na gagawin nila ang lahat para mahuli at mapanagot ang child predators at mga kasabwat nito sa karumal-dumal na krimen sa mga bata.
Tiniyak din ng kalihim na hindi magdadalawang-isip ang Department of Justice (DOJ) katuwang ang iba pang law enforcement agencies na habulin at parusahan ang mga dawit sa pag-abuso sa mga bata
Tiniyak naman ng inter-agency na inaaksyunan nila ang mga nasabing kaso.
Sinabi ni NBI Director Medardo De Lemos na binibigyan nila ng prayoridad ang mga OSEC cases.
Sa tala ng NBI, umaabot na sa 29 convictions laban sa mga suspek ang nakuha ng ahensya sa mga korte mula 2019.
Bukod dito ay may aktibong iniimbestigahan ang NBI na 46 kaso ng child pornography.
May ibang mga inisyatiba rin aniya ang NBI para sa paghawak at pagmonitor ng mga katulad na kaso.
Siniguro rin ng liderato ng Philippine National Police (PNP)na handa sila na tumulong sa pagsawata sa child exploitation.
Mula 2019 ay umaabot na sa 250 operasyon na isinagawa ng PNP laban sa mga sangkot sa nasabing kaso habang 225 kaso ang naihain laban sa perpetrators ng mga OSEC.
Katuwang din ng pamahalaan ng Pilipinas sa paglaban sa child exploitation ang mga counter parts nito sa sa United Kingdom, United States, Netherlands at Australian para madakip ang mga child predator.
Sinabi pa ni Remulla na alam ng mga law enforcer sa ibang bansa na ang Pilipinas ang paboritong lugar ng child predators.
Aniya, ito ay “source of shame” at hindi pride kaya dapat na mawakasan ang nasabing krimen.
Tiwala naman si Remulla na dahil sa komprehensibong approach ng pamahalaan ay magtatagumpay ito para matuldukan ang mga naturang pag-abuso sa mga bata.
Makakatuwang din sa giyera laban sa OSEC ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Department of Information and Communication Technology (DICT) lalo na sa pagtunton sa pinanggagalingan ng pera mula sa ibang bansa at mahinto ang money flow para sa krimen.
Moira Encina