Marcos, Duterte napanatili ang mataas na approval at trust ratings – Pulse Asia
Napanatili nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte ang mataas na approval at trust rating.
Sa latest Pulse Asia Survey, natamo ni Pangulong Marcos ang 78% approval rating, samantalang 83% naman ang kay VP Sara.
Sinabi ng Pulse Asia na ang mayorya ng approval rating ay naitala sa lahat ng geographic areas at socio-economic groupings.
Lumalabas din na hindi nabago ang kanilang ratings sa pagitan ng November 2022 at March 2023.
Malaking porsyento rin ng adult population ng bansa ang nagtitiwala kina Marcos at Duterte.
80% ang naitalang trust rating ng Pangulo, habang 85% naman sa Bise Presidente.
Samantala, kapwa nakakuha ng 51% approval rating sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez.
Nagkaiba naman ang kanilang trust rating kung saan nakakuha ng 48% si Zubiri at 44% si Romualdez.
Sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang nakakuha ng mababang rating na 43% approval rating at 39% trust rating.
Tatlo sa nangungunang isyu na nais ng mga respondents na tugunan ng gobyerno ay ang pag-kontrol sa inflation (60%), dagdag na sweldo sa manggagawa (44%), at karagdagang hanap-buhay (30%).
Lumabas din sa survey na 52% ng mga Filipino ang hindi sang-ayon sa performance ng administrasyon para tugunan ang inflation pero mayorya naman ang aprubado sa performance ng gobyerno para harapin ang ibang isyu gaya ng calamity response at pag-protekta sa kapakanan ng mga migrant workers.
Isinagawa ang survey noong March 15 hanggang 19 sa pamamagitan ng in-person interviews sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas.