Marcos economic team, pinuri ang Senado sa pagpasa ng Maharlika Investment Fund
Pinuri ng economic team ng Marcos administration ang Senado sa pagpapasa sa panukalang pagtatatag ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa botong 9-1-1, pinagtibay ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa kaninang madaling-araw ang kontrobersyal na panukala.
Sa statement, partikular na pinuri ni Finance Secretary Benjamin Diokno sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senador Mark Villar sa masusing deliberasyon at prioritization sa panukalang pagtatatag ng sovereign welfare fund.
Sinabi ni Sec. Diokno, “The Senate leadership has pulled out all the stops to ensure that the bill we bring to the President reflects the administration’s objective of crating a profitable and secure investment fund.”
Sa panig naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, sinabi nito na tiniyak ng gobyerno na higit na katanggap-tanggap ang panukala.
Paliwanag ni Pangandaman, “Napakarami nang safeguards – we have an audit committee, there’s an advisory board, and there’s a Congressional oversight committee. It adheres to the internationally-known Santiago principles, may COA rin siya, may procurement law din po siya, so I think we have enough safeguards.”
Sa pinagtibay na panukala ng Senado, tinanggal na ang kontrobersyal na probisyon gaya sa paggamit sa pension, social security at public health fund sa Maharlika Fund.
“The major change from the first one they filed is the pension. Wala na po ‘yon, and then there’s much more safeguards now that they have provided. So I think it will be a more acceptable to everyone,” dagdag pa ni Pangandaman.
Ngayong araw, Mayo 31, nakatakdang sumalang sa bicameral conference committee ang dalawang bersyon ng panukala na inaasahan ding agad na sasalang sa ratipikasyon ng Senado at Kamara.
Weng dela Fuente