Marcos govt. pinayuhan ng isang international expert sa usapin ng pagkiling sa US sa isyu ng West Phil. Sea
Pinaalalahanan ng isang international security expert ang Marcos administration sa mas pagkiling na ipinakikita nito sa Estados Unidos.
Sa harap ito ng umiinit na tensyon sa usapin ng West Philippine Sea kasunod nang muntik nang pagsasalpukan ng mga Coast Guard vessels ng China at Pilipinas sa pinagtatalunang Ayungin Shoal at ang mistulang pagsusumbong at pagtakbo ng Pilipinas para sa suporta ng Estados Unidos.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni UP Professor, Dr. Rommel Banlaoi na nangangamba siyang mas ma-agitate o ma-provoke ang China sa mga ginagawang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ang responde ng pamahalaan ay lumapit sa US, ako ay nababahala sa ganyang approach na sa hinaharap na sitwasyn sa China ay lumalapit sa US, hindi magandang approach, maaaring ma-provoke, ma-agitate ang China dahil sa pamamaraan na yan, naha-heightened ang US-China major competition, sa halip na kalmahin, sana calibrated ang bisita ng Pangulo sa US,” paliwanag ni Banlaoi.
“Namo-monitor ng China ang ginagawa sa US at kung sa tingin ng China na makakadehado, maaaring magkaroon ng retaliatory actions, na sa tingin ko ay inimical sa ating national interest,” dagdag pa ng international expert.
Sa kaniyang pagsubaybay sa nangyaring insidente kamakailan sa Ayungin Shoal, sinabi ni Banlaoi na ipinakita ng Philippine Coast Guard ang pagiging assertive nito sa isinagawang maritime patrol mission.
At tila nag-iba naman aniya ang istratehiya ng Chinese Coast Guard na nagpa-alala sa PCG na ang radio challenge ay ginawa “in a friendly manner” dahil sa kanila ring maritime patrol mission.
Aminado ang international expert na mahirap ang sitwasyon na kinalalagyan ngayon ni Pangulong Marcos para balansehin ang sitwasyon, pero kailangan aniyang magkaroon ng pag-uusap at ayusin ng dalawang law enforcement agency ang sitwasyon para hindi ito mauwi sa isang armed conflict.
“Asahan na hindi mahihinto hanggang hindi nagkakaroon ng magandang kasunduan to settle, iron out differences ng national positions, napaka-delikado ng ganyang sitwasyon, kailangan ang seryosong pag-uusap, avoid conflicts, armed conflicts in the area, they should have practical cooperation in the area in order to build confidence and settle dispute,” paalala pa ni Banlaoi.
Payo naman ni Banlaoi na balikan ng Marcos administration ang mga nakaraang kasunduan na nabuo na sa pagitan ng China at Pilipinas.
Kabilang na dito ang mga cooperation agreement patungkol sa disputed territory na hindi pa rin naipatutupad hanggang sa kasalukuyan.
Weng dela Fuente