Marcos: Pagbasura ng PET sa kanyang poll protest, “very bad precedent”
“Very bad precedent.”
Ganito inilarawan ni dating Sen. Bongbong Marcos ang desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura ang kanyang election protest kabilang ang third cause of action na humihiling na ipawalang-bisa ang resulta ng halalan sa tatlong probinsya sa Mindanao.
Ayon kay Marcos, magsisilbing masamang precedent ang kinalabasan ng kanyang protesta dahil sa hinaharap ay wala ng tao na nasa tamang pag-iisip ang maglalakas-loob na kwestyunin ang resulta ng eleksyon.
Isa anyang time-consuming at magastos na proseso ang poll protest.
Iginiit ni Marcos na hiwalay, iba, at independent na cause of action ang kanyang hiling na annulment ng boto sa tatlong Mindanao provinces dahil sa malawakang dayaan na nangyari doon.
Nakalulungkot anya na ibinasura ni Justice Marvic Leonen ang kanyang protesta nang hindi sila pinayagan na magprisinta ng ebidensya ng sinasabing massive cheating sa Mindanao.
Anya kung ibabasura lang din ng PET ang kanyang protesta nang hindi dinidinig ang lahat ng ebidensya ay bakit hindi idinismiss noong una pa lang ang kanyang third cause of action.
Sa halip anya ay pinagbayad sila ng tribunal ng Php66-M at pinaghintay ng halos 5 taon at pinaniwalang ang annulment ng boto ay hiwalay at independent cause of action.
Binigyang-diin ni Marcos na dapat gawin ng PET ang lahat ng makakaya nito para matiyak kung sino ang nanalo na bise-presidente.
Nakahihinayang anya na tinutulan ang kanyang third cause of action dahil sa “plethora of rules.”
Hindi anya dapat malimita ang katotohanan at maging hadlang ang pagkakaroon o kawalan ng Rules on Annulment para malaman ang tunay na “will of the people.”
Inihayag ni Marcos na patuloy siyang lalaban hanggang sa may pag-asa.
Ito ay alang-alang din anya sa 14 milyong loyalista na bumoto sa kanya at sa mga kabataan na boboto sa 2022.
Moira Encina