Marikina city government, muling nanawagan ng karagdagang tulong at mga gamot para sa mga naapektuhan ng bagyong Ulysses; State of Calamity, idineklara na sa lunsod
Napakalaking pinsala ang idinulot ng bagyong Ulysses sa Marikina city.
Sa panayam ng programang Saganang Mamamayan kay Mayor Marci Teodoro, mas mataas aniya ang lebel ng tubig sa Marikina river ngayong pananalasa ng Bagyong Ulysses na umabot sa 22 meters kumpara noong kasagsagan ng bagyong Ondoy nooong 2009.
Pero mas marami naman aniya ang ibinagsak na ulan ng bagyong Ondoy kumpara naman sa bagyong Ulysses.
Posible aniyang nakaragdag sa pag-apaw ng Marikina river ay ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam at dahil nasa downstream ang lunsod ay bumagsak ang mga tubig sa ilog.
Nagpapatuloy ang relief at rehabilitation efforts ng lunsod ngayong araw ganundin ang clearing para sa mga lugar na sinalanta ng bagyo at may naiwang mga putik.
“Malungkot na makikita mo rito, yung mga tao inilalabas ang kanilang mga gamit sa labas ng kanilang binahang mga bahay”.
Inaasahang darating din ngayong araw sa lunsod ang mga tauhan ng Department of Health para naman tingnan ang kalusugan ng kaniyang mga kababayan matapos ang bagyo.
Kasabay nito, nanawagan si Mayor Teodoro sa Labor Department na kung maaari ay mapagkalooban ng agarang hanapbuhay ang mga Marikenyong naapektuhan ang kabuhayan dahil sa bagyo.
“Ako nga ay nananawagan sa ating Department of Labor na mabigyan tayo ng emergency employment para sa mga kababayan nating napinsala ng bagyo. Kumakausap na rin ako ng mga employers o mula sa asosasyon ng mga employers para matulungan ang mga naapektuhan”.
Aabot aniya sa 30,000 mga bahay ang napinsala ng bagyo.
Nanawagan din ang alkalde ng karagdagang pagkain, mga gamot at mga gamit pang-bata para sa mga nasa evacuation centers.
“Kailangan pa rin natin ngayon sa mga evacuation centers ay mga gamot, karagdagang pagkain at mga gamit para sa mga bata”.