Marikina City kasado na sa pagsisimula ng Palarong Pambansa 2023
Pormal na bubuksan ngayong Lunes, July 31 ang Palarong Pambansa 2023 sa Marikina City.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na muling binuksan ang Palarong Pambansa matapos ang tatlong taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Dadaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang seremonya bilang panauhing pandangal, habang pangungunahan naman ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang deklarasyon sa pormal na pagsisimula ng kumpetisyon.
Isasagawa ang General Opening Ceremony parade sa Marikina Sports Complex at susundan naman iba pang programa gaya ng field demonstration at unity dance ng mga atletang kalahok, free concert, drone show at pyro-musical display.
Ang shot put competition lamang at ang standing long jump (visually impaired) sa mga para games ang nagpasimula ng laro ngayong Lunes, mula 8:00 AM hanggang 12 NN sa PhilSports Complex.
Gagamitin naman ang Ninoy Aquino Stadium sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila para sa men’s at women’s artistic gymnastics – ang tanging sports event na isasagawa sa labas ng Marikina City.
Kabuuang 9,172 delegates na binubuo ng student-athletes, coaches, at mga opisyal mula sa mga kalahok na rehiyon sa buong bansa ang maglalaban-laban sa 34 na sports events kasama ang para-games.
Tumutuloy ang mga delegado sa mga eskwelahang itinalaga ng lokal na pamahalaan.
Tema ng palaro ngayong taon ang “Batang Malakas, Bansang Matatag’ na naka-sentro sa mga pinakamahusay na elementary at secondary student-athletes sa buong bansa.
Samantala, deklarado namang walang pasok ngayong Lunes sa lahat ng antas sa Marikina City.
Sinabi ni Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na ginawa ang suspensyon ng klase, maging ang pasok sa lokal na pamahalaan, para bigyang-daan ang pagbubukas ng Palarong Pambansa 2023.
Weng dela Fuente