Marikina City LGU wala pang tugon sa COA report sa ‘di kumpletong documentation ng P600-M Covid emergency purchase
Bigo pa rin ang lokal na pamahalaan ng Marikina na sagutin ang kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA) na P600M COVID-19 procurement transactions ng lungsod dahil sa sinasabing hindi pagdaan sa kumpletong documentation.
Sa 2020 annual audit report ng COA para sa Marikina City, nakasaad na ini-award ng lungsod ang P200.51 milyong halaga ng kontrata para sa pagbili ng iba’t ibang goods noong panahon ng krisis nang hindi kumpleto ang documentation.
Pinuna rin ng auditors ang kawalan ng transparency sa halos P457.66 million procurement deals sa ilalim ng emergency purchase ng Bayanihan I at Bayanihan II funds.
Giit ng COA, dahil emergency purchase transactions ang paggamit sa pondo ay mahalaga ang documentary requirements.
Dapat din daw na inatasan ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ang kanilang Bids and Awards Committee na sundin ang posting requirements para sa government transactions upang masiguro ang transparency at accountability.
Maliban sa kuwestiyunableng transaksyon ay pinuna din ng COA ang late deliveries sa mga biniling supply ng Marikina LGU kung saan hindi pinatawan ng penalty ang mga supplier.
Madelyn Moratillo