Marinduque Congressman Lord Allan Velasco,Tiyak umanong makakakuha ng sapat na boto para maging susunod na House Speaker
Kumpyansa si Oriental Mindoro Congressman Doy Leachon na makukuha ni Marinduque Congressman Lord Allan Velasco ang kinakailangang boto para mailuklok bilang House Speaker sa oras na bumaba na sa pwesto si Speaker Alan Peter Cayetano.
Paliwanag ni Leachon, bagamat hiwalay na sangay ng pamahalaan ang Kongreso ay iginagalang naman nila ang term sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco na nabuo sa pahintulot na rin ng Pangulong Duterte.
Sa isyu naman ng kawalan umano ng kapangyarihan ng Malakanyang sa pagpili ng susunod na House Speaker, sinabi ni Leachon na totoo ito dahil silang mga mambabatas ang boboto ng kanilang magiging susunod na lider.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Leachon na nakapag-usap sina Velasco at Pangulong Duterte kung saan sinabi aniya ng Pangulo kay Velasco na kailangan nitong ipilit ang kanyang karapatan batay sa term sharing agreement.
Ipinaalala rin ni Leachon kay Cayetano na kaya ito naluklok sa pwesto bilang House Speaker ay dahil sa boto ng Super Majority Coalition sa Kongreso na sumunod sa kahilingan ng Pangulong Duterte.
Giit ni Leachon ang Super Majority na ito ay hindi kay Cayetano kundi kaalyado ng Pangulo.
Anuman aniya ang naging accomplishments ng Kamara sa mga nakalipas na buwan ito ay nakamit dahil nakipagtulungan ang mga myembro nito.
Madz Moratillo