Maritime Law experts binigyan ng mataas na grado si PBBM sa isyu ng West PHL Sea
Binigyan ng mataas na grado ng mga maritime law expert ang Marcos administration kaugnay sa pangangasiwa nito sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Sa isang forum, sinabi nina Julio Amador III, chief executive officer ng Amador Research Services, at Professor Jay Bagongbacal ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, na naniniwala silang nasa tamang landas ang Pilipinas sa pagsusulong ng karapatan nito sa territorial waters.
Binigyan ng rating na 7 out of 10 o mataas na grado si Pangulong Marcos dahil sa consistency nito sa pakikiharap sa isyu.
Sinabi ni Amador na nagkaroon ng pagkakataon nag mga ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Foreign Affairs (DFA) na regular na maglabas ng statement sa Arbitration Award at walang magkakalabang mensahe sa pagsusulong ng panalo ng bansa sa Arbitral Tribunal.
Naniniwala naman si Batongbacal na mas mataas na grado pa nga ang dapat ibigay kay Pangulong Marcos dahil maganda ang mga signal at umaasa siyang masustinihan ito sa mahabang panahon.
Nagkaisa naman ang mga eksperto na dapat patibayin pa ang posisyon ng bansa sa pamamagitan ng pagsusulong sa Martime Zones Bill bilang priority legislation.
Umaasa sila na babanggitin ng Pangulo sa kaniyang ikalawang state of the nation address (SONA) ang panukala para mapatibay ang pagsisikap ng bansa na maipatupad ang 2016 Arbitral Award.
Sinabi ni Batongbacal na maaring may mahalagang personal na dahilan pa si Pangulong Marcos na ipasa ang maritime zones law dahil ang kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang nagpasimula ng pag-aangkin sa teritoryo noong 1960s at 1970s.
Weng dela Fuente