Mark Taguba, pinalilipat ng Korte sa Custodial center ng PNP
Ipinag-utos na ng Manila Regional Trial Court o RTC na ilipat sa Philippine National Police o PNP-Custodial Center sa Camp Crame mula sa NBI detention facility ang customs fixer na si Mark Ruben Taguba II.
Si Taguba ay akusado sa kasong Drug importation na isinampa ng Department of Justice o DOJ dahil sa tangkang pagpuslit sa bansa ng 6.4 bilyong pisong halaga ng shabu.
Ang kautusan ay ipinalabas ni Branch 46 Judge Rainelda Estacio Montesa kasunod ng apela ni Taguba na huwag siya sa Manila city jail ikulong na unang iniutos ng hukuman.
Iginiit ng kampo ni Taguba na manganganib ang buhay nito kapag sa City Jail ito ipiit.
Samantala, iniurong sa April 6 ang pagbasa ng sakdal kay Taguba at sa kapwa akusado nito na si Eirene Mae Tatad na sinasabing consignee ng shabu shipment.
Ulat ni Moira Encina