Martial Law extension haharangin ng oposisyon sa Senado
Haharangin ng oposisyon sa Senado ang hirit ng Pangulo na palawigin ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.
Nangangamba si Senador Risa Hontiveros na paspasan na naman ng mga kaalyado ng Pangulo sa Kamara at Senado ang request ng Pangulo oras na isalang ito sa special session sa Sabado.
Pagtiyak ni Hontiveros igigiit nila na bigyan ng sapat na panahon ang pagtalakay sa extension at kailangang maging malinaw ang mga batayan sa deklarasyon.
Bukas magsasagawa ng security briefing ang mga opisyal sa Senado.
Sabi ni Hontiveros aalamin nila sa AFP at PNP kung nakamit ba ang tunay na layon ng Martial Law na lipulin at kasuhan ang mga terorista na naghasik ng karahasan sa Marawi City.
Iginiit naman ni Senador Antonio Trillanes, pag abuso lang ito sa kapangyarihan ng Pangulo.
Mismong ang militar aniya ang nagsabi na aabot na lang sa mahigit animnapu ang mga tinutugis na miyembro ng grupong Maute.
Ulat ni: Mean Corvera