Martial Law idineklara sa buong Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte

Philippines' president Rodrigo Duterte speaks during a meeting with members of the Philippino community in Vietnam in Hanoi on September 28, 2016. Duterte arrived on September 28 in Hanoi for an official state visit. / AFP PHOTO / HOANG DINH NAM

Nagdeklara ng Martial Law sa Mindanao region si Pangulong Rodrigo Duterte kabilang na ang mga lalawigan ng Basilan, Sulu at Tawi-tawi..
Ito ay matapos lusubin ng Maute group ang Marawi City kung saan inatake nito ang isang ospital at sinunog ang isang paaralan at bilangguan.

Sa ginawang press conference sa Moscow, Russia, binasa ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang pahayag ng Pangulo na tatagal ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao ng 60 araw.

Tiniyak naman nina Abella at Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano na susundin ni Pangulong Duterte ang Konstitusyon kaugnay ng pagdedeklara ng martial law.

Samantala dahil din sa sitwasyon sa Marawi, nagdesisyon ang pangulo na huwag nang tapusin ang kaniyang pagbisita sa Russia at umuwi sa lalong madaling panahon sa Pilipinas.

Humingi ng paumanhin ang delegasyon ng Pilipinas sa mga opisyal ng Russia, pero ayon kay Cayetano, nauunawaan ng mga ito na prayoridad nila ang kaligtasan ng buong bansa sa ngayon.

Bagaman uuwi ang pangulo para asikasuhin ang sitwasyon ng seguridad sa bansa, sinabi ni Cayetano na mananatili siya sa Russia upang ipagpatuloy ang pagkasa ng mga kasunduan.

Samantala bumiyahe na kaninang alas 3:00 ng madaling araw, oras dito sa Pilipinas o alas 10:00 ng gabi sa Moscow ang Pangulo pabalik na sa Pilipinas.
Inaasahang darating si Pangulong Duterte bukas, dakong alas-12:00 ng tanghali.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *