Marunong ka bang makipag-negosasyon?
Hello mga kapitbahay!
Karaniwang ginagamit o naririnig ang salitang negosasyon sa mga “conflict” o di pagkakaintindihan karaniwan sa mga pagawaan, pero alam n’yo bang kahit sa pamilya dapat ay alam ng mga magulang ang “art of negotiating with children”.
Importante na matutuhan ng ama o ina kung paano makipag-negotiate lalo pa at hindi naman tayo namumuhay na tayo lang mag-isa sa mundo, sa halip, bahagi na nang ating pamumuhay ang pakikisalamuha.
Bata pa lang ay mainam sa magulang na natuturuan ang mga anak kung paano mag-handle ng “conflicts” na posibleng mangyari sa buhay nila at pakikihalubilo sa iba.
Ano ba itong “Art of Negotiating with Children?”
Ang paliwanag ni Ms. Maryjane Lumbao Belen, Registered Guidance Counselor ng Philippine Mental Health Association (PMHA), ang pakikipag-negotiate sabi n’ya ay isang “life skill” na dapat matutuhan ng bata at matanda. Kailangan ito sa mas mabuting ugnayan o komunikasyon ng magulang sa anak at anak sa magulang, sa bawat miyembro ng pamilya upang maiwasan ang madalas na pagtatalo at pag-aaway.
Itinanong natin, paano ginagawa ang negosasyon? Ito ang kanyang sagot. Importante ang agreement o kasunduan sa anak. Kahit bata aniya, dapat na nagse-set ng agreement, halimbawa sa mga bagay patungkol sa kasuotan.
Halimbawa, pinagsusuot ni mommy ng dress si anak, pero ang gusto naman ni anak ay magsuot ng jeans. Sa ganitong sitwasyon, papasok ang negosasyon.
Alamin ni mommy ang rason bakit jeans ang gusto ng anak at ipaliwanag naman ni mommy kung bakit dapat na naka dress si anak.
Samakatuwid, sa pakikinegosasyon hindi mawawala ang mga paliwanagan hanggang makakuha ng win-win solution.
Hindi masasabi ni mommy na matigas ang ulo ni anak kasi ayaw makinig sa kanya at si anak naman hindi nya pwedeng sabihin na hindi man lang siya binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag.
Binanggit din ni Ms. Maryjane na mahalaga na masabi ng anak ang saloobin at maipaliwanag ito para maintindihan ng magulang.
Makabubuting maisangkot ang anak o mga anak sa gagawing negosasyon o agreement, bagaman hindi dapat na isantabi na ang magulang pa rin ang may final say sa mga bagay na di dapat baliin. There are certain rules that there’s no negotiation at all, gaya ng ukol sa safety o kaligtasan ng anak.
Sana ay nakatulong ang paksang ito para lalong maging masaya ang pamilya, ito ang inyong kapitbahay,