Mas mahabang validity period ng motor vehicle registration, isinulong sa Kamara
Isinulong sa Kamara de Representante ang pagpapalawig sa validity period ng motor vehicle registration para maiwasan na ang taun-taong pagpunta sa Land Transportation Office (LTO)
Ito ang nilalaman ng House Bill 8438 o Extended Motor Vehicle Registration na inihain ni Cagayan de Oro Congressman Lordan Suan.
Sa panukala, sinabi ni Suan na maraming nasasayang na oras sa taun-taong pagpaparehistro at may pagkakataon na nagdudulot ito ng stress sa may-ari at driver ng sasakyan.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang validity period ng certificates of registration ng mga sasakyan ay limang taon para sa brand new na motor vehicle at tatlong taon naman para sa mga motorsiklo.
Para sa mga mahigit limang taon hanggang pitong taon na sasakyan ang validity period ay magiging tatlong taon, dalawang taon para sa walo at siyam na taong gulang na sasakyan at taon-taon na rehistro para sa sampung taon o higit pa.
Para naman sa motorsiklo na ang edad ay mahigit tatlo hanggang pitong taon ang registration validity ay dalawang taon at para sa walong taon o higit pa ay taon-taon ang registration.
Vic Somintac