Mas mahigpit na Health Protocol, dapat ipatupad sa Metro Manila sakaling isailalim sa MGCQ sa Marso
Dapat manatili pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga Health protocol sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa sakaling isailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa Marso ang buong bansa.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, sapat naman ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan para magsagawa ng contact tracing at mabantayan ang pagkalat ng virus.
Pero dapat pa rin aniyang pairalin ang physical distancing at hindi dapat tanggalin ang facemask at faceshield.
Pabor din ang Senador na mabuksan na ang mas maraming negosyo para makabangon ang ekonomiya.
(Statement) Sen.Sherwin Gatchalian:
“Ang pinakaimportante dito sakaling mag-MGCQ na tayo ay tuloy pa rin yung social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield. Hindi pwedeng tanggalin yan. Pero pwede nang buksan nang dahan-dahan ang ating ekonomiya dahil isa lang ang gamot para umangat ang ekonomiya natin—buksan natin, para pwede nang makapagtrabaho ang marami nating mga kababayan. Pero hindi naman natin pwedeng biglain. So itong MGCQ from 50% gawin nating 70% at tingnan muna natin doon kung ano ang epekto”.
Reaksyon ito ni Gatchalian matapos irekomenda ni Acting National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Karl Kendrix Chua kay Pangulong Rodrigo Duterte na napapanahon na para isailalim ang buong bansa sa pinakamaluwag na Quarantine classification upang pasiglahin ang naghihingalong ekonomiya ng bansa at mapagaan ang patuloy na tumataas na bilang ng mga nagugutom, naghihirap at nawalan ng kabuhayan o trabaho mula nang magpatupad ng lockdown measures.
Iginiit din ni Chua ang pangangailangan ng pagkakaroon ng sapat na Pampublikong transportasyon.
Mula sa 50 porsyento ay inirekomenda niyang buksan ito ng hanggang 70 porsyento.
Gaundin ang pagpapalawig ng edad ng mga maaaring makalabas ng bahay ay kasama rin sa kanyang rekomendasyon.
Sinabi rin ng NEDA Chief na mas mainam na payagan na rin ang panunumbalik ng face-to-face classes sa low-risk areas na siya ring matagal nang isinusulong ni Gatchalian.
Meanne Corvera