Mas mahigpit na parusa laban sa mga masasangkot sa hazing inirekomenda ng Senado
Inirekomenda ng Senado ang pagpapataw ng mas mahigpit na parusa laban sa mga masasangkot sa hazing na magreresulta sa pagkamatay ng biktima.
Nakapaloob ito sa Committee Report no. 19 na inindorso ni Senador Francis Tolentino sa plenaryo matapos ang imbestigasyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa pagkamatay ng estudyante na si John Matthew Salilig dahil sa hazing.
Inirekomenda ng Senado na amyendahan ang Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law para papanagutin ang mga dawit sa initiation rites o activity na nauwi sa pagkasawi ng bagong miyembro.
Nagkasundo ang mga miyembro ng komite na kapag ang initiation activities ay nagresulta sa pagkasawi o physical injury ng miyembro, ang mga fraternity, sorority at iba pang organisasyon papanagutin pamilya ng mga suspek sa pamamagitan ng pagpapabayad ng multa na P20 million.
Bukod dito, ipasasalo rin sa mga miyembro ang litigation fee’s ng pamilya ng biktima.
Ang certificate of registration ng fraternity, sorority o kahalintulad na organisasyon ay otomatikong kakanselahin at idedeklara itong iligal na organisasyon.
Meanne Corvera