Mas mahigpit na restriksyon ngayong ECQ, ipinatupad sa Pasay City
Matapos isailalim sa Enhance Community Quarantine ang buong Metro Manila at karatig lalawigan na nasa NCR plus bubble, isa ang Barangay 183 sa Villamor sa Pasay City, ang nagpatupad ng mahigpit na restriksyon.
Kapansin pansin na sa control point pa lamang ay tsini-check na ang ID ng bawat papasok, mapa-residente man o magde-deliver sa loob ng barangay. Ito’y upang masiguro na walang makapapasok na hindi naninirahan sa lugar.
Namamalagi pa rin kasi ang Barangay 183 sa may mataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19, batay sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Pasay.
Sa huling tala ng ahensya, nasa 127 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa naturang barangay, habang 1,071 naman ang nakarecover at 15 ang naiulat na namatay.
Patuloy namang nakamonitor ang Barangay Health and Emergency Response Team o BHERT, sa mga pamilyang naka-home quarantine para mamantini ang pangangailangan ng sambahayan sa loob ng 14 araw.
Kabilang dito ang pagbibigay ng groceries at gamot sa tulong na rin ng pamahalaang lungsod ng Pasay, sa pangunguna ni Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano, katuwang ang DSWD.
Samantala, nilinaw ng Pasay LGU na ang mga kabilang sa APOR o Authorized Person Outside Residence ay exempted sa curfew hours. Kabilang dito ang essential workers, batay na rin sa Executive Order no. 36.
Maaaring magtungo sa mga convenience store ang isang manggagawa o empleyadong galing sa trabaho para bumili ng kanilang pangangailangan sa tahanan.
Paalala ng ahensya, panatilihin lamang na sinusunod ang ipinatutupad na minimum health standard ng DOH at IATF, dahil patuloy pa rin ang banta ng COVID-19 sa kalusugan ng tao.
Ulat ni Jimbo Tejano