Mas marami pang katiwalian sa BOC mabubunyag sa house hearing ngayong araw ayon kay Rep. Barbers
Marami pang mga masisiwalat na isyu ng korapsyon sa Bureau of Customs sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon ngayong araw kaugnay sa ₱6.4 bilyong shabu na nakalusot sa ahensya.
Ito ang tiniyak ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers matapos ang pagharap sa nakaraang pagdinig ng Customs broker na si Mark Taguba, ang nangasiwa sa shipment ng kontrabando, na handa nitong pangalanan ang mga opisyal ng BOC na regular na tumatanggap sa kanya ng payola.
Ayon pa kay ni Barbers, masasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga opisyal at tauhan ng BOC.
Aniya, hindi lamang sa nakalusot na shabu maaring papanagutin si BOC Commissioner Nicanor Faeldon kundi maging sa nabunyag na pagkuha nito ng serbisyo ng mga atleta.
Damay rin ang kanyang Chief of staff na si Atty. Mandy Therese Anderson na siyang pumipirma sa daily time record ng mga atleta.
Giit ng Kongresista malinaw naman na hindi nagsasagawa ng intelligence work ang mga atleta at kinuha lamang ang mga ito bilang technical assistant at intelligence officer pero ang tunay na trabaho ay maglaro para sa BOC.