Mas maraming employment destination para sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa, tiniyak ng DOLE
Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbubukas ng mas maraming employment destination para sa mga Overseas Filipino Worker na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 Pandemic.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ito ang dahilan kaya pumapasok sila sa mga kasunduan sa iba’t-ibang bansa gaya sa Canada, Russia, China at Bangkok upang magkaroon ng Bilateral Labor Agreement sa mga nasabing bansa.
Labor Secretary Silvestre Bello III:
“In the meantime, we are creating more employment destination for the overseas Filipino workers. That’s the reason why we are entering into agreement with Canada, Russia, China and even Bangkok so that we will have bilateral agreements with them to provide work destination for OFWs”.
Ayon kay Bello, magiging prayoridad nila ang mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa Pandemya.
Layon ng Bilateral Agreements na ito na matiyak ang proteksyon ng mga OFW.
Pero habang limitado pa ang deployment ngayon ng mga OFW dahil sa travel restrictions sa ilang bansa, pinayuhan ni Bello ang mga kababayan nating nais magtrabaho sa ibang bansa na hasain ang kanilang skills.
Sa datos ng DOLE, may 702 libong OFWs ang iniuwi ng gobyerno pabalik sa bansa.
Tiniyak naman ni Bello ang tulong sa mga naapektuhang OFW sa pamamagitan ng Abot Kamay ang Pagtulong o AKAP program ng DOLE kung saan ang bawat isa ay binibigyan ng 10 libong piso habang kung nasa ibang bansa pa ay 200 US dollars bilang tulong pinansyal.
Ang anak naman ng mga OFW ay tumatanggap ng scholarship grants sa ilalim ng OFW Dependent Scholarship Program, educational assistance na nagkakahalaga ng 20,000 piso kada school year sa kwalipikadong dependent ng isang active OFW na ang sweldo ay hindi hihigit sa 600 dollars.
Madz Moratillo