Mas murang kuryente sa Negros, inaasahan na sa susunod na taon
Magandang balita para sa mga taga-Negros dahil makakaasa ang mga residente ng mas murang kuryente at madalang na brownout sa mga susunod na taon.
Ito ay sa oras na maaprubahan na ng Kongreso ang prangkisa para sa Negros Electric and Power Corporation o NEPC.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises, nakalusot na “in principle” ang House Bill na nagsusulog ng 25-taon prangkisa para sa NEPC, na target na makapag-serbisyo ng mahigit dalawandaan at dalawampung libo (220,000) na customers sa Negros kabilang ang Bacolod City, Bago, Talisay, Silay, Don Salvador Benedicto at Murcia.
Ayon kay Roel Castro, ang presidente ng Primelectric Holdings Inc. ang NEPC ay mula sa Joint Venture Agreement o JVA sa pagitan ng Primelectric at ng Central Negros Electric Cooperative Inc. o CENECO.
Ang electric services sa Negros ay aniya hindi ganun kaayos at may mga reklamo pa ukol sa masyadong mataas na singil, partikular ang “systems loss.”
Aabot umano sa 20 hanggang 30 million pesos kada buwan ang nawawala dahil sa system loss, na maaari sanang magamit sa pagpapabuti sa serbisyo ng kuryente.
Tiwala naman si Castro na ipapasa ng Kamara ang prangkisa ng NEPC, dahil ang mga may-akdang kongresista ay mula sa Negros na nakita ang isyu ng kuryente sa kanilang lugar na nakakaapekto sa mga residente at mga negosyo.
Madelyn Villar – Moratillo