Mas pinaganda at mas pinalawak na GORA Lane sa QC, inilunsad
Para mahikayat ang publiko lalu na ang mga residente ng Quezon City na maglakad, inilunsad ang tinaguriang Green ,Open, Renewable, Access (GORA) Lane.
Ito ay pinaganda at pinaunlad na pedestrian corridor na may haba na 5.39 kilometers.
Matatagpuan ito sa kahabaan ng Doña Hemady, Scout Tobias, at Mother Ignacia Avenue.
Nakaugnay sa lane na ito ang tatlong major roads na Aurora Boulevard, Quezon Avenue, at Edsa.
Nakakonekta rin ang kalsada sa tatlong major transportation lines, ang LRT-2 Gilmore station at ang MRT-3 GMA Kamuning at Quezon Avenue station.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, hindi lamang mahihikayat ang mga residente na maglakad dahil sa mas pinagandang kalye na ito kundi makatutulong pa ito lalu na ngayong limitado ang pampublikong transportasyon dahil sa Pandemya.
Malaking tulong din ito sa ekonomiya ng lungsod dahil sa magkakakonektang commercial areas gaya ng Gilmore Street, Tomas Morato Avenue at Timog Avenue.
Tiniyak naman ng alkalde na ligtas ang paglalakad sa lane na ito dahil ang kalsada ay may pocket parks, maayos na streetlights at road signages, at naglagay din ng mga rebulto at public art.
Umaasa si Belmonte na magiging kapaki-pakinabang ang lane project na ito sa publiko at mas pipiliin nilang maglakad kaysa sumakay ng kanilang mga pribadong sasakyan.