Mas pinahabang curfew hours sa Metro Manila, simula na ngayong July 25
Nagsimula na ngayong araw, July 25 ang pagpapatupad ng pinahabang curfew hours sa Metro Manila.
Sinabi ni Metro Manila Council at MMDA Chairman Benhur Abalos, kabilang ito sa mga karagdagang restrictions para malimitahan ang galaw ng mga tao laban sa pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng Covid-19.
Sa ilalim ng MMDA Resolution 21-13, mula sa umiiral na curfew na 12:00 ng madaling-araw hanggang 4:00 ng umaga, mas pinahaba pa ito sa 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.
Kasunod ito ng anunsyo ng Malakanyang noong Biyernes, July 23 na muling pagsasailalim sa General Community Quarantine with Heightened restrictions ng Metro Manila at ilan pang lalawigan hanggang July 31.
Nauna nang ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) na ang isang Delta variant infected individual ay puwedeng makahawa ng nasa 8 katao at malapit nang maging globally dominant variant dahil sa bilis nitong makahawa ayon naman sa World Health Organization (WHO).