Mas pinaigting na operasyon laban sa mga nagsasagawa ng tupada, ipinag-utos ni PNP Chief Eleazar
Ipinag-utos na ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar sa lahat ng police commander sa bansa ang paglulunsad ng crackdown laban sa mga nagsasagawa ng tupada o illegal cockfighting na lumalabag sa umiiral na public safety protocol.
Ang kautusan ay kasunod ng pagkakaaresto sa 17 katao kabilang ang isang Barangay Captain sa Calamba, Laguna na nagsasagawa ng mga iligal na aktibidad.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang PNP Chief dahil sa pagkakasangkot ng mga pinuno ng Barangay na dapat sana ay nangunguna sa pagpapatupad ng mga health protocol upang maiwasan ang hawaan sa Covid-19.
Ang Laguna ay bahagi ng NCR Plus at nananatiling nasa ilalim ng General Community Quarantine with heightened restrictions.
“Ang malala pa dito, sangkot ang kapitan ng barangay. Nakakahiya at nakakagalit na imbes na sawayin ay siya pa ang nangunang pasaway sa tupada”. – Gen. Eleazar
Sinabi pa ni Eleazar na nakipag-ugnayan na siya kay Interior Secretary Eduardo Año upang mabigyan ng clearance ang PNP sa agarang pagsasampa ng kaso laban sa mga Barangay official na ang kanilanglugar ay matutuklasang nagsasagawa ng mga kahalintulad na gawain.
Kasabay nito, nagbabala rin si Eleazar sa mga pulis na huwag maging sangkot sa iligal na sugal at huwag protektahan ang mga gawaing ito.
“Binabalaan ko rin po ang ating PNP personnel na huwag proprotektahan o kukunsintihin ang anumang klaseng iligal na sugal, gaya ng tupada, dahil siguradong mamalasin kayo sa akin. Keep your units professional and disciplined at all times”.