Masamang epekto ng pagsusugal ipinasasama na sa curriculum ng Deped
Ipinasasama ng Senado sa curriculum ng Department of Education ang panganib at masamang epekto ng pagsusugal.
Bahagi ito ng rekomendasyon ng Senate committee on public order matapos ang isinagawang imbestigasyon sa pagkawala ng 34 mga indibidwal na ini-uugnay sa online sabong.
Sa pitumput pitong pahinang committee report ng komite na pinamumunuan ni Senador Ronald Dela rosa, nakasaad na dapat turuan ang mga kabataan sa masamang epekto ng pagsusugal at epekto nito sa lipunan batay sa Republic act 11476 o Good Manners and Right Conduct at Values Education act.
Ayon sa Senador, lumitaw sa imbestigasyon na ang pagkalulong sa sugal ay hindi nalalayo sa pagkalulong sa iligal na droga.
Dapat ito aniya ang bigyan ng importansya ng gobyerno dahil kapag nalululong sa sugal mauuwi na sa pagnanakaw at paggawa ng krimen.
Bahagi rin ng rekomendasyon ng Senado ang paglalatag ng patakaran ng PAGCOR para hindi magkaroon ng access ang mga kabataan sa mga electronic gambling platforms at dapat mahigpit na ipinatutupad ang know your customers policy .
Sa pagdinig ng Senado nauna nang nadiskubre na konektado na rin sa ilang online payment ang E sabong dahilan kaya madali rin itong naa-access ng mga kabataan.
Pinahihigpitan naman sa bir ang pangongolekta ng buwis sa anumang operasyon ng sabong.
Pinaamyendahan rin ang Presidential decree no 449 o Cockfighting law at inoobliga ang DILG na maglagay ng mga CCTV sa lahat ng mga lehitimong mga sabungan.
Meanne Corvera