Masusing imbestigasyon sa pagpatay sa isang journalist sa Davao del Sur, ipinag-utos ni PGen Eleazar
Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa Police Regional 11 ang masinsinang imbestigasyon sa pagpatay sa print at broadcast journalist sa Davao del Sur na si Orlando “Dondon” Dinoy.
Si Dinoy ay reporter ng Newsline Philippines sa Davao City at volunteer anchor ng Energy FM sa Digos City at dating correspondent ng ilang malalaking pahayagan sa bansa.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, pinagbabaril si Dinoy sa kaniyang inuupahang bahay sa bayan ng Bansalan kagabi, Oct. 30.
Ayon kay Eleazar, pinatututukan niya sa PRO11 ang lahat ng anggulo sa insidente at hinihingi rin niya ang kooperasyon ng mga taong makapagbibigay ng impormasyon para sa tunay na responsable sa pagpatay.
Hinimok din niya ang lahat ng miyembro ng media na ipaalam kaagad sa PNP kung mayroon mang nagtatangka sa kanilang buhay o may nararanasang harassment.
Chief PNP Eleazar:
“Bilang isang demokrasyang bansa, hindi katanggap-tanggap ang mga ganitong uri ng karahasan dahil maliwanag na ito ay pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag na ginagarantiya sa ating Saligang Batas”.